top of page

UPCAT na ni Uno

  • Nov 3, 2017
  • 4 min read

Photo by Keith Magcaling

Ako nga pala si Juan Catindig, pero pwede n’yo rin akong tawaging Uno. 17 years old na ‘ko, pangatlo sa anim na magkakapatid. Si Ate Meds, 20 na s’ya at may dalawang anak na. Hindi na s’ya nakatapos ng high school dahil maagang nagkaanak. Tapos si Kuya Jojo ko naman, mas matanda lang s’ya sa ‘kin ng isang taon, ‘di rin naka-graduate ng high school kasi nagtrabaho na lang s’ya bilang kargador sa Bayan.

Bale sa aming apat na mas nakababata, dalawa lang kami ni Ton-ton na nag-aaral. Ako, Grade 12. Ta’s si Ton-ton, Grade 10. Hindi na kasi kayang pag-aralin nina Nanay at Tatay ‘yong dalawang bunso. Halos ‘di na nga sila nagpapahinga kakatrabaho, kulang pa rin yung kinikita nila para sa mga bayarin sa school, pero hindi sila tumitigil kasi umaasa talaga sila na ako ‘yong unang anak nilang makaka-graduate sa high school, para naman daw may maisabit na diploma sa bahay.

Dapat nga college na ‘ko ngayon eh, kaso may K-to-12 pa. Kailangan ko pang mag-Grade 11 at 12. ‘Yun nga lang high school, iginapang na namin, ta’s nadagdagan pa ng dalawang grades. Kailangan ko pa ngang lumipat ng school kasi walang K-12 ‘don sa amin. Buti na nga lang may voucher ang DepEd, pero s’yempre dagdag gastos din ‘yong pamasahe ta’s baon pa.

Kaya nga sana gusto kong makapasa sa UPCAT at makapasok sa UP Diliman o kahit saang campus kasi ‘di ba Iskolar ng Bayan ta’s mura lang ang tuition, baka nga libre pa ‘ko e. ‘Saka kasabihan kaya rito sa ‘min na matatalino lang daw ang nakakapasa sa UPCAT. At sabi pa ng mga tito ko, sobrang dali makahanap ng trabaho kasi parang ‘yong trabaho na ang lumalapit sa’yo kapag UP graduate ka.

Kaya unang labas pa lang ng balita na open na ‘yong application period ng UPCAT, talagang pinilit kong makaipon ng barya para makapag-internet sa pinakamalapit na computer shop at para makapag-apply ako agad. Kaso bigla akong nasiraan ng loob, kasi nakita ko na may bayad palang 450. Buti na lang exempted pala ako sa bayad kasi hindi naman umaabot ng 130,000 piso ‘yong kinikita nina Tatay at Nanay kada taon. Kung hindi, yari na agad ako kasi saan naman kami kukuha ng ganoong halaga? Ta’s wala pa ko sa Top 10 sa class kasi minsan absent ako kapag walang baon o kaya kailangan nila Nanay ng tulong. “Goodbye, UP!” na ako kung nagkataon.

No’ng nakita ko yung application form, napaisip ako kasi ang dami palang degree programs na ino-offer ng UP, lalo na sa Diliman. Hindi ko alam kung ano’ng ilalagay ko sa first choice kasi naman gusto nina Nanay at Tatay na maging Civil Engineer ako, pero ang gusto ko talaga ay maging teacher. Bakit teacher? Simple lang, dahil gusto kong makapagturo dito sa baryo namin. Kulang na kulang kasi ang bilang ng mga teacher dito sa amin, dahil na rin siguro walang maipasweldo ang mga schools kaya wala na rin gustong mag-apply na mga teachers. Civil Engineering naman ang gusto ng parents ko kasi sabi nila malaki daw ang kita, syempre gusto rin naman nilang makaahon kami sa hirap at pangarap din nilang magkaroon ng isang professional sa pamilya.

‘Pagkatapos kong maayos lahat ng kailangan, nag-research na rin ako tungkol sa UPCAT. Medyo kinabahan ako sa doon sa isang nabasa ko. Base kasi sa data mula sa Office of Admissions, mula 2013 hanggang 2015, nasa mahigit 76,000 hanggang 88,000 ang kumuha ng UPCAT. Halos nasa 13,500 on average ang pumasa kada taon o 16.3% lang. Sa mga nakapasa, nasa 12-13% lang ang galing sa Mindanao. Tapos 50-50 pa, 50% from private, 50% from public and science high. Nabasa ko rin na ayon sa isang study ng mga UP professor sa admission policy noong 2014, karamihan ay galing sa upper socio-economic classes kaya kinabahan talaga ‘ko.

Nakita ko rin na umabot sa mahigit 100,000 ang nag-apply para sa UPCAT ngayong taon. Kaya kung masusunod ang trend mula 2013 hanggang 2015, siguro nasa 16,000 ang makapapasa. Nakakagulat nga eh, kung anong ikinaunti ng nag-apply last year, ganun naman dumagsa ang mga applicant ngayon. In-extend pa nga nila ng dalawang beses ‘yong deadline para makahabol pa ‘yong iba. Special kasi ‘yong 2016 UPCAT dahil nga nagkaroon ng senior high nationwide.

Tapos usap-usapan nga rin sa Facebook at Twitter na napaka-historical nga raw ng taong ito kasi this year ang may pinakamaraming nag-apply for UPCAT at kami ‘yong unang batch ng K-12 na papasok sa college. Pero nabasa ko rin na ang laki pala ng kakulangan ng UP sa classrooms at slots sa mga klase. Hindi lang sa Diliman ah, kundi pati sa ibang campuses. Umaabot pa nga sa point na natutulog na ‘yong students sa loob ng campus para lang mauna sa pila at mas may chance na makakuha ng slot sa required GE classes. Ta’s meron pa nga akong nakita na parang shookt at triggeredt ang lahat ng mga Isko. Basta parang sa orgs yata ‘yon. Ayaw yatang pasalihin ‘yong mga freshie tapos inaalisan ng tambayan ‘yong mga orgs. Eh ‘di ba sabi noon na pwede namang mamili at sumali sa kahit anong org kahit sino?

Ang dami-dami kong nalaman tungkol sa UP. Napaisip tuloy ako. Gusto ko nga ba talagang maranasan ‘yong mga ganitong eksena? Pumila nang pagkatagal-tagal para lang makakuha ng subject na entitled naman talaga akong magkaro’n? Ta’s hindi ako makakasali sa orgs na gusto ko sana? Kaya nga pati parents ko nagdadalawang-isip na kung papayagan pa ba nila ako kasi baka raw maging aktibista lang ako saka baka yumabang lang daw ako.

Hindi ko akalain na ganito pala ang pwedeng maging buhay sa loob ng premier state university. Alam kong pasilip at patikim pa lang ito sa kung anong naghihintay para sa mga bagong batch ng mga Iskolar ng Bayan na papasok sa susunod na taon.

 
 
 

Comments


bottom of page